Isa sa leading men ni Anne sa Dyosa ay si Zanjoe Marudo; ang dalawa pa ay sina Sam Milby at Luis Manzano. Si Zanjoe ay gaganap bilang isang illustrator ng Dyosa Komiks, kung saan naido-drawing niya kung ano ang mangyayari kay Dyosa Cielo, isa sa tatlong katauhan ni Anne sa naturang fantaserye.
"Sobrang happy ako sa role ko rito dahil hindi ito kagaya ng mga past roles ko na parang cute lang. Although, mai-inlove ako rito at para kaming aso't pusa rito [ni Anne]. Pero maganda kasi illustrator ako rito, so maganda," kuwento ni Zanjoe sa PEP (Philippine Entertainment Portal).
Supposedly, may una na sana silang pagsasamahan na teleserye ni Anne, ang The Wedding. Yun nga lang, natigil ang taping nito.
Paliwanag ni Zanjoe, "Na-stop lang ang taping. Noong time na yun kasi, kailangan nang gawin ni Anne yung movie niya with Aga Muhlach [When Love Begins] at kailangan na rin niyang mag-taping for Maging Sino Ka Man, so na-stop lang ang taping. And then, inuna muna itong Dyosa.
"I think, after ng Dyosa, yun naman ang susunod naming gagawin. I guess, matutuloy pa rin yun kasi kung hindi nila itutuloy ‘yon, para na rin silang nagtapon ng pera."
Hindi naman daw na-disappoint si Zanjoe na ang ipinalit sa The Wedding, kung saan siya lang ang male lead, ay ang Dyosa na tatlo na silang nagse-share as leading men ni Anne.
"Hindi naman sa na-disappoint, kasi ganoon naman talaga sa trabaho namin. Hangga't hindi pa ipinapalabas, kahit na sabihin mong nagawa mo na or nai-tape mo na, hangga't hindi naipapalabas, walang kasiguraduhan. Naniniwala lang ako kapag nandiyan na talaga," saad ng hunky model turned actor.
THREE LEADING MEN. Sa kanilang tatlong leading men ni Anne sa Dyosa, kapansin-pansin na siya lang ang walang masasabing personal link kay Anne. Si Sam kasi ay nababalitang boyfriend na ni Anne samantalang si Luis naman ay very close sa young actress. Sa palagay kaya ni Zanjoe ay may chemistry sila ni Anne?
"Kung sa chemistry naman, parang ano, parang may tiwala naman ang management [ABS-CBN]. Parang binigyan na nga kami ng soap dati. Nag-MMK [Maalaala Mo Kaya] kami dati. At saka magkaibigan kami dati ni Anne bago pa man ako maging artista dahil parehas kami ng barkada. So, hindi naman siguro mapag-iiwanan at sinisigurado naman ni Direk Wenn [Deramas] na walang madedehado sa aming tatlo."
Nag-taping na raw sila na nagkasama-sama silang tatlong leading men ni Anne at naging maayos naman daw ito.
"Nasa personality ko naman na hindi ako masyadong ma-chika, palahirit lang paminsan-minsan. Si Luis yung makulit, ‘tapos si Sam yung parang close kay Anne. Hindi naman nangyayari yung magkakasama kami, ‘tapos parang off yung ibang artista. Enjoy naman lahat," kuwento ni Zanjoe.
BLACKOUT. Kahit bihasa na sa pagrampa, ayon kay Zanjoe ay pinaghandaan din daw niya ang nakaraang Blackout: The Bench Denim and Underwear Fashion Show na ginanap sa Araneta Coliseum noong July 25.
"Siyempre, naghanda rin ako before the show. Siguro mga one week akong nag-workout para naman hindi nakakahiya kapag lumabas na ako ro'n. Third time ko na actually. Yung first time ko, model pa lang ako noon. Second time ko noong pagkalabas ko ng PBB [Pinoy Big Brother] at ngayon nga," lahad ni Zanjoe.
Kung si Zanjoe ang tatanungin, satisfied daw siya sa nakaraang Bench event. Hindi rin siya naniniwala sa sinasabing mas maganda ang exposure ng mga Kapuso stars kumpara sa Kapamilya stars.
"Siguro ano naman yun, kahit pa may mga ganoong isyu, malalaman at malalaman mo naman yun doon mismo sa show kung ano ba talaga at kung sino ba talaga. Kahit pa bigyan mo ng napakagandang entrance or bigyan mo ng napakagandang segment ang isang tao, nasa audience pa rin yun kung sino ba talaga ang gusto nila. Kung sino talaga ang pinunta nila ro'n."
ZANJOE'S LUCKY CHARM. Bukod sa Dyosa, kasama rin si Zanjoe sa Varga, na magpa-pilot na sa August 2 at back-to-back sa finale ng Kapitan Boom. Sa Varga, silang dalawa ng real-life sweetheart niyang si Mariel Rodriguez ang magkapareha.
Kung ituring ni Zanjoe si Mariel ay "lucky charm" daw niya ang TV host-actress dahil marami raw siyang naging projects simula nang maging sila.
Samantala, totoong na-surprise naman daw siya sa naging birthday gift sa kanya ni Mariel last July 23.
"Binigyan niya ko ng camera, ‘eto ang ibinigay niya," sabay pakita sa amin ng Canon 450D na nakasabit sa kanyang leeg at tila pinag-aaralan pa ang pagkuha ng picture habang break niya sa taping.
Hindi naman daw siya nag-request ng camera kaya na-surprise pa raw siya nang ibigay ito sa kanya ni Mariel.
"Hindi talaga, siguro nabalitaan niya or narinig niyang plano kong bumili ng ganito bago ako pumunta ng States. Kasi gusto kong kuhanan yung mga lugar na magso-show kami dahil first time ko sa States," kuwento ni Zanjoe.
Ngayong araw, July 30, ang alis ng grupo nilang Coverboys papuntang Amerika.
"Actually, balak ko sanang bumili ro'n or kaya rito [ng camera] bago ko umalis. Kaso yun nga, noong birthday ko, niregaluhan na niya ako. So, wala na akong problema."
Masasabi ba ni Zanjoe na mas serious na ang relasyon nila ni Mariel ngayon?
"Siguro mas open, mas mature yung relationship. Mas nagkaka-give and take, at mas napag-uusapan ang lahat ng bagay," sagot niya.
Si Mariel na ba talaga ang babae para sa kanya?
"Kung puwede sana yung ganoong pananaw na siya na talaga... Ang daling sabihin, e, pero hindi mo masasabi," maingat na tugon ni Zanjoe.
Ano ang mga katangian ni Mariel na mas lalong napapamahal sa kanya?
"Sobrang sweet, sobrang maalaga. Hindi lang naman sa akin, kung makikita mo kahit sa ibang tao, ganoon siya. Parang nakakatuwang makakita ng ganoong klase ng tao na sobrang lambot ng puso kahit na kanino. Lalo na siguro kung mas close sa kanya. Paano pa kaya yun, di ba?" pagtatapos ni Zanjoe.